Tagalog Post - Written by admin on Thursday, March 26, 2009 17:52 - 0 Comments

Pinabayaan ang agrikultura


Kahapon lang may nagbigay sa akin ng banana chips. Maganda ang packaging. Nakabalot sa foil. Sabi ko sa sarili ko sa wakas natuto rin ang Pinoy ng tamang packaging.

Binasa ko ang nakasulat sa labas para malaman ko kung sino ang gumawa. Bigla akong nagulat. Imported pala sa Vietnam. Saging na saba.

Muli ko na namang naalaala kung paano pinabayaan ng gobyerno — ‘di lang ng rehimeng Arroyo — ang ating agrikultura. Pati ba naman saging na saba na ginawang chips na malutong ini-import na sa Vietnam? ‘Di ba dapat sagana tayo riyan.

Pero hindi na tayo sagana. Ako mismo ay nagtatanim ng maraming klaseng saging. Hindi umunlad. Parang lahat may tama ng sakit. Hindi pa lumalabas ang puso, natutuyo na.

Noong unang panahon, ang aking bayan ng Lipa ang pinakamalaking exporter ng kape, lalo na ang robusta, sa buong mundo. Talo pa natin ang Brazil. Ngayon, nag-i-import na rin tayo ng kape. Sa Vietnam din.

Bakit nagkaganun. Tulad ng saging, tinamaan din ng sakit.

Ganun din ang nangyari sa citrus. Noong 1950s ang Batangas ang pinakamalaking mag-ani ng citrus. Wala na rin ngayon. Dahilan? Ano pa, ‘di nagkasakit din tulad ng saging at kape.

Pero sa palagay ko kahit hindi tinamaan ng sakit, hindi rin masagana ang ani ng tatlong halamang sinasabi ko. Hindi pinag-aralan ng gobyerno lalo na ang Department of Agriculture (DA) kung paano magkakaroon ng mga bagong variety o klase ng mga halamang ito na bukod sa hitik sa bunga ay lu­malaban pa sa sakit.

Ang mga gulay at iba pang halaman ay napag-iwanan na rin ng panahon. Walang nagsaliksik sa gobyerno para maka­kita ng bagong variety. Kung iyon ngang talong ini-import pa sa China, ibang halaman pa kaya.

Nakakalungkot ang nangyayari sa ating agrikultura. Dito dapat manggaling ang sapat na pagkain ng dumaraming tao. Ang nangyayari ngayon ay lumiliit ang ani, pero dumarami naman ang tao.

Nagkukulang na tayo sa asukal. Dati tayo ang number one sa export ng niyog. Ngayon ay pangatlo na lang at malapit ng abutan ng Vietnam.

Kaya hindi na siguro mahihinto ang pag-import. Tinawag pa naman tayong bansang agrikultura na noon ay malaki ang kita sa pag-export ng asukal at niyog. Ngayon halos wala na.

Ang plataporma ng gobyernong nakasandal sa agrikultura ay dahan-dahang magtayo ng maraming industriya. Kela­ngan ito dahil mas maraming tao o obrero ang kailangan sa industriya.

Pero patuloy na pinagyayaman ang agrikultura para sa mga magsasaka at nagtatrabaho sa lupa ay magkaroon ng sapat na kita para bumili ng produkto ng industriya.

Ibig sabihin, sabay pinauunlad ang industriya at agrikultura. Parang mag-asawa iyan. Hindi dapat mabalo ang isa.

Sa oras na ito baka naman hindi pa balo ang isa sa mag-asawa. Pero pareho silang naghihingalo at panahon na lamang ang hinihintay bago tuluyang mamatay.

Sa kamalasan sobra ang dami ng anak ng mag-asawa. Sobra pa sa 90 million ang tao ngayon sa Pilipinas.

Lalong kailangang pagbutihin ngayon ang pagtatanim dahil maraming trabaho sa industriya ang nawawala. Nakaharap tayo sa matinding gutom.

Ano ba ang ginagawa ng rehimeng Arroyo sa agrikultura? Ewan ko sa inyo. Wala akong nalalaman. Sa amin sa Lipa walang silbi ang experiment station ng Bureau of Plant Industry.

Walang bagong punla. Walang nagsasaliksik. Ang malawak na lupa ay cogon ang tumutubo. Parang gubat.

Matagal nang panahon na patuloy nating pinababayaan ang kabukiran.

Samantala, ang ating mga karatig bayan ay patuloy na umuunlad. Akalain ba naman ninyong ang Thailand ay nag-e-export ng gata ng niyog sa Amerika. Marami pang iba tulad ng durian at maraming klaseng isda.

Ganun din ang Vietnam.



Comments are closed.

Most Popular Content

Tagalog Post - Mar 26, 2009 17:55 - 0 Comments

Katrina, nagpabaya sa sarili

More In Tagalog Post


Taiwan Times - Mar 13, 2009 16:55 - 0 Comments

MECO rapped for asking OFWs to take pay cuts

More In Taiwan Times


Thailand Daily - Mar 12, 2009 9:19 - 0 Comments

Global crisis upsets costly cities rankings

More In Thailand Daily